Lumutang sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Cebu businessman na si Peter Lim kahapon, ilang araw matapos siyang makipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.
Sakay ng isang itim na sports utility vehicle nang dumating sa NBI compound sa Maynila si Lim.
Nauna rito, matatandaang dinalaw ni Lim si Duterte at pinabulaanang isa siyang drug lord.
Pinayuhan naman ito ng pangulo na magtungo sa NBI at magpa-imbestiga.
Si Lim ay isa sa mga tinukoy ni Duterte na isa sa tatlong umano’y lider ng illegal drug operations sa bansa.
Bukod sa kanya, tinukoy rin ng Pangulo sina Wu Tuan alyas Peter Co at Herbert Colangco, na kapwa nakabilanggo na sa New Bilibid Prisons (NBP).
Kahapon, bumuo ng fact finding team ang NBI na mag-iimbestiga kay Lim.
Ayon kay Atty. Ferdinand Lavin, tagapagsalita ng NBI, aatasan ng fact finding team ang kampo ni Lim na magsumite ng mga kaukulang dokumento.
Isasama rin sa imbestigasyon ang resulta ng pagsisiyasat ng House Committee on Dangerous Drugs noong 2006 kung saan humarap si Lim bilang resource person.
Hindi naman tinukoy ni Lavin kung anong uri ng mga dokumento ang kanilang ipinasusumite kay Lim.
Samantala, sa panayam naman kay Atty. Ramon Esguerra, abogado ni Lim, nangako naman ang kanyang kliyente ng kooperasyon sa NBI. Handa umano si Lim na bumalik sa NBI sakaling ito ay ipatawag. (Beth Camia)