Kakausapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China hinggil sa pagdagsa ng Chinese nationals na sangkot sa illegal drug operations sa bansa.
Ito ay matapos na maobserbahan ng Pangulo na karamihan sa mga drug suspect na napatay sa operasyon ng mga awtoridad ay tubong China. Samantala ang mga naaarestong dayuhan naman ay “nagluluto” ng ilegal na droga sa loob mismo ng bilangguan.
“Itong mga namatay dito na unclaimed, sino mag-claim niyan? Most of them really are Chinese. That’s why that’s my lamentations. Sabihin ko sa China one day: Bakit ganito ang sitwasyon?” ayon kay Duterte sa idinaos na San Beda alumni reunion sa Malacañang.
Sinabi ni Duterte na naniniwala itong hindi naman padala ng Chinese government ang Chinese nationals na nasasangkot sa illegal drug trade sa bansa, “but most of the guys that come here do drugs, pati sa loob (ng kulungan) na.”
Nilinaw ni Duterte na hindi pagiging bias sa China ang kanyang pahayag. Sa katunayan, may dugong Chinese umano ang Pangulo sapagkat ang lolo nito ay nag-aapelyido ng Lam at isang Chinese.
Sa nasabi ring okasyon, inulit ni Duterte ang puspusang kampanya nito laban sa drug dealers na sumisira sa buhay ng taumbayan.
“Hindi na ako nagpapatawa. I will stake the presidency, the honor that goes with it and my life. Hindi ako aatras dito. I will not allow my country to be destroyed,” ani Duterte.
Noong nakaraang linggo, pinangalanan ni Duterte ang umano’y mga bigtime drug lords, kabilang dito si Wu Tuan alias Peter Co, Chinese national na pinuno ng triad operations sa Luzon at National Capital Region (NCR) at kasalukuyang nakapiit na sa New Bilibid Prisons (NBP).
Isang Peter Lim naman umano ang nangangasiwa sa triad sa Visayas.
Ilang araw na ang nakakaraan nang humarap kay Duterte ang Cebuano businessman na si Peter Lim at sinabing hindi siya ang ‘Peter Lim’ na drug lord. (Genalyn Kabiling)