Mga laro ngayon

(Philsports Arena)

4 n.h. -- Balipure vs Laoag

6:30 n.g. -- Pocari Sweat vs Air Force

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Tatangkain ng Philippine Air Force na makumpleto ang ‘double victory’ sa pakikipagtuos ang Lady Jet Spikers kontra Pocari Sweat sa Game 2 ng kanilang best-of-three championship sa Shakey’s V-League Season 13 Open Conference ngayon, sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nakaabante ang Air Force sa maiksing title duel nang magwagi sa pahirapang five-setter sa Game 1 kamakailan.

Tinanghal na kampeon ang Air Force men’s team sa Spikers Turf kontra Cignal.

Target ng Lady Jet Spikers na mawalis ang finals series kontra sa Lady Warriors para sa asam na ”double celebration”.

Nakatakda ang sagupaan sa ganap 6:30 ng gabi. Magkakasubukan sa unang laro sa 4:00 ng hapon para sa ikatlong puwesto ang Balipure at Laoag Power Smashers.

Muli, sasandalan ng Lady Jet Spikers ang kanilang mga beteranong sina skipper at setter Wendy Semana, Judy Caballejo, Yari Yongco, Jocemer Tapic, Joy Cases, at May Ann Pantina

Inaasahan namang magbabakod ng mas matibay na depensa ang Pocari, sa pangunguna nina Michelle Gumabao, Myla Pablo, Gizelle Sy, Mel Gohing at Desiree Dadang, para maipuwersa ang “winner-take-all”.

Samantala, tatangkain ng Balipure Purest Water Defenders na walisin ang sarili nilang best of three series kontr Laoag Power Smashers para sa third place.

Kahit wala ang ace hitter na si Alyssa Valdez na kasalukuyang naglalaro sa University Games sa Singapore, nagawang gapiin BG Balipure ang Laoag sa pangunguna ni conference MVP Gretchel Soltones. (Marivic Awitan)