Ligtas ang kalagayan ng 3,500 Filipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Turkey, sa kabila ng may napaulat nang nasawi at nasaktan sa nangyaring kudeta na isinasagawa ng faction ng militar doon nitong hatinggabi, iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.
Sa natanggap na report ng DFA mula kay Philippine Ambassador to Turkey Rowena Sanchez, unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Turkey batay sa inilabas na kalatas ng Turkish government kahapon.
Tiniyak ni Sanchez na ligtas ang lahat ng Pinoy na pawang nakabase sa Ankara at Istanbul, at inabisuhan na ang mga kababayan doon na manatili o huwag munang lumabas sa kani-kanilang tirahan at huwag makipag-umpukan sa pagtitipon ng mga tao hangga’t hindi pa tuluyang naibabalik sa normal ang sitwasyon doon, para na rin sa kanilang kaligtasan.
Kahapon agad nagdeklara ang Turkish government ng martial law kasunod ng panawagan ni President Recep Tayyip Erdogan sa mga mamamayan na lumabas ng bahay upang pigilan ang isang grupo ng militar na nagtatangkang patalsikin siya sa puwesto.
Nabatid na nanatiling nasa mga lansangan ang mga sibilyan at hindi natitinag sa pag-atake at pamamaril ng makakaliwang sundalo sa Istanbul na ikinasawi na ng 42 katao, kabilang ang 17 pulis at ikinasugat na ng ilan.
Nag-deploy ang Turkish government ng mga tangke at fighter jets sa labas ng parlamentaryo sa kapitolyo ng Ankara upang pigilan ang nasabing kudeta.
Ayon pa sa ulat nagbitiw si President Erdogan na “hindi magtatagumpay” ang nasa likod ng naturang pagtatangkang pabagsakin ang gobyerno ng Turkey. (Bella Gamotea)