Kalaboso ang carnapper na magkapatid na anak umano ng pulis, matapos nitong ipaskil sa Facebook ang ibinibentang motorsiklo na ninakaw umano ng mga ito at sa kasamaang palad, ang mismong biktima nila ang kanilang nakatransaksiyon sa ikinasang entrapment operation sa Malabon City, noong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Police Inspector Rhodrick Juan, head ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, Violation of Republic Act No. 6539 o ang Anti-Carnapping Law of 1972 ang kinakaharap na kaso nina Rufino Barlin, 29, at kapatid niyang si Ruben, 26, residente ng No. 9 Katarungan St., Barangay Muzon, Malabon City.
Ayon kay Adrian Aguilar, ng No. 2 Rarada St., Bgy. Isla, Valenzuela City, dakong 5:30 ng umaga noong Hulyo 8, ninakaw ang kanyang Yamaha Mio Soul, na may plakang ND-35469, na noo’y nakaparada sa harap ng kanilang bahay.
Kitang-kita sa CCTV ang pagtangay ng dalawang lalaki sa kanyang motorsiklo ngunit hindi maaninag ang mukha ng mga ito dahil natatakpan ng sumbrero.
At makalipas ang ilang araw, pagbukas ni Aguilar ng kanyang Facebook account ay laking gulat umano niyang nakapaskil ang kanyang motorsiklo at ibinebenta na sa kanya ng P50,000 ng mag-utol.
Nagkunwaring interesado si Aguilar at sinabi sa magkapatid na bibilhin niya ang motor.
Humingi ng tulong si Aguilar kina PO3 Roberto Santillan at PO2 Noel Cabanglan ng DMU at ikinasa ang entrapment operation sa Bgy. Muzon, Malabon City, bandang 10:30 ng gabi.
Matapos iabot ni Aguilar ang P50,000 sa mag-utol na Berlin, inaresto na sila nina PO3 Santillan at PO2 Cabanglan.
(Orly L. Barcala)