NITONG Martes ng gabi, inabot na naman si Boy Commute ng matinding trapik sa Manila hanggang sa pag-uwi sa kanyang bahay sa Parañaque.

Dating inaabot lamang ng halos isang oras ang kanyang biyahe mula opisina pauwi sa bahay, ngayo’y dalawa’t kalahating oras na! Ano na ba’ng nangyayari sa ating bansa, Mister President?

Halos bawat lansangan ay barado ang daloy ng mga sasakyan, wala nang madaanan para makaiwas sa trapik.

Kung naaawa kayo kay Boy Commute dahil naipit siya sa traffic habang sinuwerteng may dalang sasakyan, lalo kayo sigurong maaawa sa libu-libong commuter na walang masakyan sa mga oras na iyon.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Sa kanto ng EDSA at Roxas Boulevard sa Pasay City, halos inokupa na ng mga pasahero ang kalahati ng kalsada habang naghihintay sa wala. Walang jeepney na nakabibiyaheng pabalik sa lugar dahil naipit na sa trapik kung saan man.

Kung meron mang dumating na jeepney ay halos hanggang bubong na ang nakasakay na pasahero. May nakasabit sa estribo at meron ding nakaupo sa tapalodo. Hindi na hinuhuli ng pulis sa overloading dahil alam nilang baka pati sila ay puntiryahin ng mga pasahero na ang gusto lamang ay makarating na sa bahay.

Kung nakaaawang pagmasdan ang mga pasaherong nakasabit sa estribo, sipatin mo pa ang loob ng sasakyan at makikita mong mayroon pang mga pasaherong nakaupo sa gitna ng likurang bahagi ng jeepney.

Teka, nakaupo sila na wala namang upuan.

Okay lang sana kung ang kanilang pagtitiis ay may 10 minuto lamang. Subalit oras ang inaabot bago umusad uli ang jeepney dahil sobrang trapik.

Mabuti pa ang apat na nakasabit sa estribo, nakapag-uunat habang patigil-tigil ang sasakyan.

Ganito ang labanan sa pagsakay sa pampublikong sasakyan sa Metro Manila.

Habang nasa gilid ang sasakyan ni Boy Commute, kitang-kita niya kung paano naiipit ang pasahero na nakaupo sa gitna ng tuhod ng mga nakaupo sa gilid. Nakakuha nga ng upuan sa gilid ng jeepney pero nakatagilid naman ang pagkakaupo dahil sa sobrang siksikan ng mga pasahero.

Walang kumukurap, walang gumagalaw, dahil sa konting kilos ay may umaaray! Malamang, dahil sa sakit ng katawan, mainit ang ulo ng mga ito pagdating sa bahay.

Malamang, marami sa kanila ay nalipasan na ng gutom dahil nagtiyaga sa pakikipagsiksikan at pagsabit sa sasakyan upang makauwi lang.

Hanggang kailan kaya magtitiis ang mamamayan?

Nakaiinip na! Kailan ba magkakatotoo ang “Change is coming” ng administrasyong Duterte sa usaping traffic?

(ARIS R. ILAGAN)