ISA-isa nang pinapangalanan ni Pangulong Duterte ang opisyal ng mga pangunahing kagawaran at kawanihan ng gobyerno.
Ginanap na rin ang unang Cabinet meeting kahapon at andun na ang tinaguriang “The President’s Men” na naatasang resolbahin ang mga problema ng mamamayan.
Sa kanyang dalawang linggong panunungkulan, marami nang pagbabago ang nakikita sa istilo ng pangangasiwa ng Presidente. Mula sa pagkain sa mga pagpupulong hanggang sa uri ng sasakyan na kanyang gusto para sa mga opisyal ng gobyerno.
Bawal na ang mga luxury vehicle, dahil mas pabor si Duterte sa mga Asian Utility Vehicle (AUV) tulad ng Isuzu Crosswind at Toyota Avanza, na kanyang partikular na tinukoy.
Bago tuluyang lumihis ang kolum na ito, mas tutukan natin kung ano ang tatahakin ng administrasyong Duterte sa problema sa trapiko.
Kung marami na ang nagbago sa mga departamento at ahensiya ng gobyerno, sa traffic ay wala pa ring pagbabago.
Habang tumatagal sa Malacañang si Duterte, lalong lumalala ang traffic.
Kaya, Mr. President, ano ba talaga ang plano mo?
Nakapuwesto na ang bagong kalihim ng Department of Transportation and Communication (DoTC) na si Arthur Tugade at habang wala pang naitatalagang kapalit ni Ginoong Emerson Carlos sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang una rin ang kasalukuyang acting chairman ng ahensiya.
‘Di ba “one plus one equals two”?
Ngayong wala pang naitatalagang permanenteng MMDA chairman, wala ring disiplina sa lansangan.
Hindi lang ang mga motorista ang pasaway dahil maging ang mga MMDA traffic constable ay hindi mo na rin makita sa kanilang puwesto, lalo na kung umuulan.
Ganito ang klase ng serbisyo na napapala natin ngayon kaya huwag na tayong magulat kung palala pa nang palala ang traffic.
Ayon sa Japan International Cooperation Agency (JICA), tinatayang aabot sa $1 billion ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila.
Kung itinuturing ang droga na malaking isyu na tinututukan ngayon ng gobyernong Duterte, may mas titindi pa ba sa trapiko?
Habang isinusulat ang kolum na ito ay hindi pa nag-uumpisa ang pagpupulong ng Gabinete sa Malacañang.
Mas nasa sentro ng balita ang pagdalo ni Vice President Leni Robredo sa halip na puntiryahin kung magtatalaga na si Duterte ng bagong traffic czar, dahil bakante pa rin ang top MMDA post.
Sana’y huwag na itong patagalin.
Ang pakiramdam tuloy ng marami ay parang wala nang maihahaing solusyon ang gobyerno, kaya mas minamabuti pa nilang tumahimik na lang at pabayaan ang isyu. (ARIS R. ILAGAN)