MARAMING nasiyahan sa desisyon ni President Rodrigo Duterte nang hirangin niya si Vice President Leni Robredo bilang secretary ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Pinuri ng mga netizen (social media) si Mano Digong kung kaya ang taguri ngayon sa kanilang political tandem ay “DuBredo” o Duterte-Robredo.
Bilang reaksiyon sa pagkakahirang sa kanya ng machong presidente na maginoo naman kapag ang kaharap ay isang magandang babae, sinabi ni beautiful Leni na sisimulan na niya ang pagkilos at pagsisikap upang mabigyan ng easy access ang mga nasa laylayan ng lipunan sa socialized shelter (pabahay) at mabawasan din ang housing backlog o kakulangan ng mga bahay na matitirhan ng mararalitang tao.
Ang probinsiyanong pangulo at probinsiyanang bise presidente na mga lider ngayon ng mahigit sa 100 milyong Pilipino, ay inaasahang magkakaloob ng tunay at lantay na PAGBABAGO (“change is coming”) sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas na gayong kayraming magagaling na naging pangulo, ay nananatiling hindi umaasenso at kumakain ng alikabok sa likuran ng Singapore, Thailand, Malaysia, Indonesia at maging ng Vietnam na dinurog ng mga Kano noong US-Vietnam War.
Patuloy sa pagsugpo laban sa illegal drugs ang Philippine National Police (PNP) sa maraming dako ng kapuluan. Akalain ba nating maging sa malalayong sityo at barangay ng bansa ay sakmal na rin ng ilegal na droga. Marami na umanong drug pusher, user ang napapatay ng mga pulis sa kanilang operasyon dahil nanlalaban daw. Ang hinihintay ng mga Pinoy ay ang mga drug lord at trafficker naman ang itumba ng mga alagad ng batas at hindi mga pipitsuging drug user o pusher.
Parang hanggang ngayon ay wala pang big-time drug lords/traffickers ang nabalitang nahuli o napatay ng mga pulis dahil sila’y nanlaban o nakipagputukan.
Isiniwalat ni Mano Digong na tatlong drug lord ang nasa likod umano ng laganap ng bilyun-bilyong pisong negosyo ng ilegal na droga sa bansa. Sila ay sina Wu Tuan, alyas Peter Co, Peter Lim, at isang Colangco. Sila ay pawang Chinese nationals na umano’y nagnenegosyo ng illegal drugs sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP). Nagbanta si President Rody na kapag tumakas sina Lim at Colangco, sila ay mangamamatay. Binantaan niya si Peter Lim na labas-masok sa bansa na huwag nang babalik dito sapagkat siya ay mamamatay paglabas niya sa eroplano sa NAIA.
Samantala, sa pagsasalita ni Mano Digong sa pagtitipon ng mga Muslim, sa pagtatapos ng Ramadan o selebrasyon ng Eid’l Fitr sa SMX Davao City, sinabi niyang pinangalanan niya ang limang aktibo at retiradong police general na umano’y sangkot sa ilegal na droga dahil ito ay kanyang tungkulin. Sila aniya’y bibigyan ng “due process” at proper investigation upang ipagtanggol ang mga sarili. “I am not condemning them. They deserve an investigation, but I cannot wait.” Galit talaga si Mang Rody sa gumagamit ng ilegal na droga.
Mula sa Bataan, sa harap ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ni Central Luzon police regional director Chief Supt. Aaron Aquino na may 100 pulis na sangkot sa ilegal na droga na kasabwat ang mga sibilyan. Karamihan ay mula sa Region 3 (Central Luzon), partikular na sa Bulacan, Pampanga, at Bataan. Ang Region 3 ay binubuo ng Bulacan, Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac Nueva Ecija, at Aurora. (Bert de Guzman)