UNITED NATIONS, United States (AFP, Reuters) – Muling sumiklab at naging mas matindi pa ang labanan nitong Lunes sa South Sudan matapos manawagan ang UN Security Council sa mga katabing bansa nito na tumulong upang mawakasan ang panibagong labanan sa kabisera, at humiling ng karagdagang peacekeepers.
Sa unanimous declaration, humiling din ang 15 kasaping bansa ng council kina President Salva Kiir at Vice President Riek Machar na rendahan ang kanilang mga puwersa, itigil na ang labanan at iwasan ang pagkalat ng karahasan.
Wala pang opisyal na bilang ng mga namatay ngunit sinabi ng isang source sa Health Ministry na 272 katao na ang namatay, kabilang na ang 33 simula nang sumiklab ang labanan noong Huwebes.