Hiniling ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan First Division na payagan siyang pansamantalang makalabas ng piitan upang magtungo sa isang dentista ngayong Hulyo.

Sa kanyang isinumiteng mosyon sa anti-graft court, sinabi ni Revilla na nais niyang sumailalim sa dental surgery, post-operation, check-up, suture removal at stayplate denture reline procedure sa Gan Advanced Osseointegration (GAO) Center na matatagpuan sa ground floor ng The Residences Greenbelt Center sa Arnaiz Avenue, Makati City.

Tatlong petsa ang pinili ng senador para sa kanyang dental appointment. Ang una ay sa Hulyo 13, na isasagawa ang first stage implant surgery. Ikalawa sa Hulyo 16, upang sumailalim sa post-operation check up. At panghuli, sa Hulyo 23 para sa suture removal at stayplate denture reline.

Ang 49-anyos na dating aktor ay kasalukuyang nakadetine sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City dahil sa kasong plunder na may kaugnayan sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Una nang pinayagan si Revilla na makabisita sa kanyang dentista sa GAO noong Abril 11, dahil walang sapat na kagamitan ang PNP Health Service upang magsagawa ng dental surgery sa dating mambabatas. (Czarina Nicole O. Ong)