Mistulang moog na hindi natibag ang puwersa ng Pocari Sweat, sa pangunguna nina Michelle Gumabao, Myla Pablo at Ellaine Kasilag, para maitarak ang dominanteng, 15-25, 27-25, 25-11, 25-23 panalo kontra BaliPure nitong Lunes para makopo ang ikalawang final berth sa Shakey’s V League Season 13 Open Conference, sa Philsports Arena sa Pasig.

Pagkaraang maiwan sa first set, bumangon ang Lady Warriors at winalis ang sumunod na tatlong set upang makamit ang karapatang makaduwelo ang nauna nang finalist na Philippine Air Force sa kampeonato.

Nagbanta pang makapuwersa ng fifth set ang Purest Water Defenders matapos bumaklas sa pagkakatabla ng iskor sa 10-all at makauna sa iskor na 19-16, ngunit nagpakatatag ang Pocari para makumpleto ang dominasyon sa kanilang best-of-three semifinal duel.

Namuno sa panalo sina Pablo at Kasilag sa naiskor na 26 at 21 puntos, ayon sa pagkakasunod, habang namuno sa BaliPure si Gretchel Soltones na may 19 na puntos at nalimitahan si Alyssa Valdez sa 15 puntos. (Marivic Awitan)

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA