Patay ang tinaguriang “Number One” drug pusher at kasamahan nito, na isang dating pulis, makaraang makipagbarilan sa arresting team sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga napatay na sina Elmer Nicdao, 45, ng Barangay Bagong Silang; at Aljen Jaquines, 28, ng Bgy. Longos, Malabon. Si Jaquines ay isang dating pulis na sinibak sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Base sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may mangyayaring bentahan ng shabu sa Lapu-Lapu Street sa Bgy. Bagong Silang, dahilan upang magtalaga ng mga police agent sa lugar, dakong 7:30 ng gabi nitong Biyernes.
Nakasaad din sa intelligence information na natanggap ng Pasay City Police na sina Nicdao at Jaquines ang may dala-dala ng shabu.
At nang matunugan ng dalawang suspek ang pagdating sa lugar ng anti-drug operatives, agad umanong pinaputukan ang mga ito na naging dahilan upang sila ay bumawi.
Tumagal halos ng 10 minuto ang engkuwentro na humantong sa pagkakapatay sa dalawang drug personality.
Nabawi ng pulisya sa mga napatay na suspek ang P50,000 halaga ng shabu, isang .38 caliber revolver at isang sumpak, ayon sa police report. (Jel Santos)