NAPANOOD n’yo ba ang news video footage ng mga biktima ng panghahalay umano ng driver ng kolorum na UV express shuttle van na si Wilfredo Lorenzo nang magkaharap sila sa himpilan ng pulisya?
Bagamat nakatakip ang mukha at itinatago ang kanyang pagkakakilanlan, nangangatog pa ang kalamnan ng biktima nang ikinuwento sa media ang mapait niyang sinapit sa kamay ng manyakis na driver.
Humahagulgol at galit na galit ang biktima kay Lorenzo.
Marahil kung mayroong mag-aabot sa rape victim ng baril ay hindi ito mag-aatubiling putukan si Lorenzo sa noo dahil sa galit.
Bukod sa biktima, dama rin ng mga magulang na nanonood ng balita ng mga oras na iyon ang galit kay Lorenzo.
Paano na ang kabataang bumibiyahe sa lansangan? Ligtas pa ba sila sa mga hayok sa laman na tulad ni Lorenzo?
Ito ang peligro na kinahaharap ng mga biyahero, lalo na kung gabi ang kanilang trabaho.
Habang patulog-tulog ang mga pulis sa pansitan, nag-iisip ang mga nagtatrabaho sa gabi kung paano nila dedepensahan ang sarili laban sa mga manyakis na nagkalat ngayon sa Metro Manila.
Ayon sa isang dalaga na nagtatrabaho bilang call center agent, nagplano siyang magdala ng folding knife o retractable stick na kanyang pang-depensa sa mga kriminal. Subalit mainit ito sa mata ng pulis dahil maaari rin silang mapagkamalang holdaper.
Alam n’yo ba na patok ngayon ang mga taser, isang portable na electric weapon na kayang magpa-blackout sa madidikitan nito?
Dating kilala bilang “taser gun,” marami na ngayong ganitong uri ng self-defense weapon na kakaiba ang itsura upang madaling maikubli, hindi tulad kung ito ay hugis-baril.
Patok ngayon ang taser weapon na ibinebenta sa mga self-defense specialty store sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Mayroong taser na nakakabit sa hawakan ng payong, mayroon ding may hugis ng flashlight o ballpen.
Depende sa boltahe, malakas ang electric shock na maidudulot ng taser sa isang target personality. Sa tunog palang…tsiiiiiiiit! Tsiiiiiiit! Tsiiiiiiiit! ay masisindak ka na dahil ‘tila may dala itong kuryente katumbas ang nasa silya elektrika na dating ginagamit sa New Bilibid Prison.
Kapag naidikit sa tao, siguradong tumba at mawawalan ng malay ito.
Ito ang ginagamit ng pulisya sa Amerika sa panghuhuli sa mga kriminal upang hindi na sila makapalag.
Subalit kailangan ang ibayong pag-iingat sa paggamit nito ng mga biyahero.
Dapat sundang mabuti ang instruction sa user’s manual bago bitbitin sa bag.
Mabuti nang handa kaysa wala kayong kalaban-laban. (ARIS R. ILAGAN)