Pormal nang nanumpa sa puwesto ang mga bagong halal na opisyal ng Manila City government, sa pangunguna ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, na ngayo’y nasa ikalawang termino na bilang alkalde ng Maynila.
Kasama ang kanyang maybahay na si Dra. Loi Ejercito at mga anak, nanumpa sa tungkulin si Estrada kay Court of Appeals Justice Andres Reyes Jr. sa Manila City Hall kahapon.
Nanumpa na rin sa tungkulin kahapon si Dr. Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan, bilang bise alkalde ng Maynila, gayundin ang mga nagwaging konsehal ng lungsod.
Si Lacuna, na anak ni dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, ang unang babaeng bise alkalde ng Maynila.
Matatandaang muling naluklok sa puwesto si Erap matapos talunin sa May 9 elections si dating Manila Mayor Alfredo Lim kung saan ang agawat ay nasa 2,685 boto.
Patuloy namang nakabimbin sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang election protest na inihain ni Lim laban kay Estrada, na inakusahan niyang bumili ng boto sa nakalipas na halalan. (Mary Ann Santiago)