Tuluy-tuloy ang pag-unlad ng Mindanao matapos aprubahan ni incoming President Rodrigo Duterte ang pagpapatayo ng Davao City Port Development Project na gagastusan ng mahigit P39 bilyon sa nalalabing araw ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng siyudad.

Nilagdaan ni Duterte ang Joint Venture Agreement (JVA) sa kumpanyang Mega Harbour Port Development, Inc. (MHPDI) sa pangunguna ng negosyanteng si Reghis Romero II, chairman of the board at MHPDI president, Engr. Victor S. Songco.

Batay sa kasunduan, gagawing world-class business and residential community ng MHDPI ang mga baybaying lugar ng Davao City simula sa mga distrito ng Agdao at Poblacion hanggang sa Barangay Bucana.

Sinabi pa ng MHPDI na ang proyekto ay bahagi rin ng “urban renewal” at “poverty alleviation program” ng administrasyong Duterte kung saan ang interes at kapakanan ng higit 3,500 residente na apektado ay hindi kaliligtaan.

National

Ilang retiradong AFP at PNP officials, sumulat kay PBBM; inalmahan 2025 nat'l budget?

Ayon pa sa kumpanya, ang kontrata ay pagpapakita rin ng kahandaan ni Duterte na gumawa ng mga nararapat na hakbang upang labanan ang kahirapan.

Pagpapakita rin umano ito ng “vote of confidence” ng mga negosyate sa liderato ni Duterte bago pa man ang kanyang pormal na pag-upo bilang pangulo ng bansa sa Hunyo 30.

Tiniyak ng MHPDI na hindi masisira ang kalikasan sa Davao kung saan gagamitin ang konsepto ng “Green Urbanism” na ang pangunahing konsiderasyon ay pangalagaan ang kapaligiran.

Sa pagtatapos ng proyekto, inaasahang magiging sentro ng pag-unlad at pagsigla ng komersyo sa buong Mindanao ang Davao City na makapagbibigay ng hanap-buhay sa libu-libong mamamayan sa lungsod. (LEONEL ABASOLA)