LUBHANG nababahala ang pamunuan ng Commission on Human Rights (CHR) sa dami ng natutumbang kriminal na umano’y lumaban sa mga awtoridad na humuhuli sa kanila. Abnormal para kay CHR Chairman Chito Gascon ang 200% pagtaas sa tala ng mga napatay, na karamihan ay mga drug pusher, sa loob lamang ng mahigit isang buwan.
Nag-react si Chairman Gascon sa mga talang isinapubliko ng Philippine National Police – Public Information Office (PNP-PIO) na mula lamang nitong halalan ng Mayo 9 hanggang nitong Hunyo 15, umabot agad sa 29 ang naitalang napatay sa engkuwentro na ‘di hamak na mas mataas na porsiyento, kumpara sa 39 na napatay sa loob ng apat na buwan bago mag-eleksiyon.
Hindi umano malayo na ang ilan sa mga napatay ay mga anti-drug operative rin na matagumpay na naka-infiltrate sa grupo ng mga drug lord, at nang masunog ang “cover” nito ay inilaglag sa mga protektor nilang nasa puwesto, na siya namang nagpa-trabaho para maisama ang mga ito sa listahan ng mga “tumbahin” na.
Naalala ko tuloy ang nangyari sa buhay ni Captain Daniel Costales, opisyal ng Criminal Investigation Service (CIS) – ang Criminal Investigation & Detection Group (CIDG) na ngayon, mula sa pagiging magaling na operatiba ng CIS ay naging adik, nasira ang pamilya, natanggal sa serbisyo, nakasuhan at nakulong -- dahil sa isang “secret mission” na pinatrabaho sa kanya ng isang katatalagang opisyal ng noon ay Narcotics Command (NARCOM).
Ilang beses na pinagtangkaan ang kanyang buhay matapos mag-leak ang impormasyong siya ang gumawa ng “black book” na nagdedetalye sa buong operasyon ng sindikato at pangalan ng mga protektor nito na aktibong nasa serbisyo pa ng pulis, military at local government. Pero napasama ang kanyang pangalan sa listahang ito nang mapasakamay na ng mga senador.
Ang listahan ni Costales ang naging basehan nang pagsisiwalat at imbestigasyon sa senado nang paglaganap ng droga sa Pilipinas pero hindi ito nakatulong sa pag-angat niya sa sariling posisyon. Nasira ang buhay niya dahil sa “secret mission” na ito na hindi awtorisado ng pamunuan ng noon ay PC-INP.
Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga ‘di inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)