OAKLAND, California (AP) — Kampeon muli si LeBron James at muling itinanghal na NBA Finals MVP.

Sa botong unanimous, ipinagkaloob sa tinaguriang ‘King James’ ang Finals MVP matapos gapiin ng Cleveland Cavaliers ang Golden State Warriors, 93-89, nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Game Seven ng NBA championship.

“This is what I came back for,” pahayag ni James.

Nabalot ng emosyon si James nang tumunog ang final buzzer para pormal na tanghaling kampeon sa isa pang pagkakataon at matupad ang pangako sa Cleveland na tumangkilik sa kanya bilang isang teenage phenom mahigit isang dekada na ang nakalilipas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ito ang ikatlong Finals MVP ni James na nakamit din ang parangal noong 2012 at 2013 bilang player ng Miami Heat.

“Best player on the planet,” sambit ni Cavs teammate Kyrie Irving.

Tinanghal din si James na ikatlong player sa kasaysayan ng NBA Finals na nakapagtala ng triple-double sa Game Seven ng serye, kasunod nina Jerry West noong 1969 at James Worthy noong 1988.

Naitala niya ang 27 puntos, 11 rebound at 11 assist para tuldukan ang matikas na pagbalikwas mula sa 1-3 pagkakadapa sa best-of-seven series.