Patay ang isang pulis at isang kitchen helper habang sugatan naman sa ligaw na bala ang isang cell phone technician, makaraan silang pagbabarilin ng tatlong hindi nakilalang lalaki na nakaalitan nila sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina PO2 Gabriel Gabriel, 26, may asawa, nakatalaga sa Presidential Security Group (PSG) at residente ng 355 Coral Street, Tondo; at Crisanto Giovanni Lozano, 21, binata, kitchen helper, taga-335 Coral Street, Tondo, Maynila.
Naisugod pa sa Mary Johnston Hospital ang mga biktima ngunit wala nang buhay ang mga ito dahil sa mga tinamong bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Sugatan naman ang cell phone technician na si Kevin Lloyd Pascua, 21, binata, ng 353 Pilapil Street, Tondo, matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Kaugnay nito, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng tatlong namaril sa mga biktima at agad nagsitakas sakay sa mga motorsiklo.
Batay sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 2:00 ng umaga nang mangyari ang krimen malapit sa bahay ni Gabriel.
Ayon kay Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD-Homicide Section, bago ang krimen ay kumakain sa Tumbungan Carinderia sa Moriones Street sina Gabriel at Lozano nang dumating ang tatlong suspek.
Nagkainitan umano ang dalawang grupo na nauwi sa mainitang pagtatalo, ngunit umawat si Gabriel at niyaya na si Lozano pauwi.
Gayunman, lingid sa kanilang kaalaman ay sinundan sila ng mga suspek, na armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril, at pinagbabaril si Lozano.
Nagawa namang makatakbo ni Gabriel ngunit sinundan din siya ng mga suspek at pinagbabaril, habang minalas namang tamaan ng ligaw na bala si Pascua na naroon lang sa lugar. (Mary Ann Santiago)