Mistulang nagbago na ng isip si incoming Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay Jr. sa pagresolba sa sigalot sa China kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea).

Ito ay matapos sabihin ni Yasay na hindi na magsasagawa ang administrasyong Duterte ng “one-on-one talks” o bilateral talks sa China maliban na lang kung papayagan ito ng international arbitral tribunal.

Kasalukuyang umuusad sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague ang kasong isinampa ng Pilipinas nito laban sa China tungkol sa pag-angkin ng Beijing sa halos buong WPS.

“We should not pursue any bilateral talks at this time until we hear, or wait for, the outcome of the decision of the arbitral tribunal to come out,” pahayag ni Yasay sa isang panayam.

May lason? EcoWaste may babala 'di awtorisadong bersyon ng Labubu dolls

“When we will be reviewing the decision and we see that the ruling will require simply bilateral talks with China, then by all means, let’s pursue that,” dugtong nito.

Unang inihayag ni Yasay na walang ibang paraan sa pagresolba sa sigalot kung hindi ang mag-usap ang Pilipinas at China.

Sa panig ng mga eksperto sa Amerika at ni dating DFA Secretary Albert del Rosario, pinayuhan nila ang bagong administrasyon na huwag manguna sa pagsusulong ng “unconditional talks” sa China sa ngayon dahil posibleng makaapekto ito sa isinampang kaso sa korte.

Nilinaw ni Yasay na hindi tutugon ang Pilipinas sa mga basehang sinasabi ng ibang bansa dahil ang Pilipinas ay may independent foreign policy na pangunahing sumusuporta sa pambansang interes.

Samantala, umapela si Chinese Ambassador to Manila Zhao Jianhua sa bagong gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa China tungo sa parehong direksiyon para ayusin ang nasabing sigalot sa teritoryo.

“We hope to work with the incoming government of the Philippines to open a new chapter of bilateral relations,” pahayag ni Jianhua sa isang pagtitipon sa Cultural Center of the Philippines para sa pagdiriwang ng ika-41 anibersaryo ng diplomatic ties ng Pilipinas at China at ng 15th Friendship Day.

“[We hope that we can] properly deal with relevant disputes, put differences under effective management and control, and bring the bilateral relations back to the track of sound and comprehensive development to serve the interests of our two peoples,” panawagan nito.

Ang naturang panawagan ay para ipursige ang bilateral talks upang resolbahin ang sigalot at iligtas ang mayamang kasaysayan ng pagkakaibigan ng dalawang bansa. (Bella Gamotea)