ZAMBOANGA CITY – Ipinag-utos ni City Mayor Maria Isabelle Climaco sa Housing and Land Management Division (HLMD) na imbestigahan ang napaulat na ilang internally displaced persons (IDPs) sa Barangay Mariki sa siyudad na ito, na nakinabang sa pabahay ng gobyerno, ang nagbebenta ng kani-kanilang housing unit sa ilang pribadong indibiduwal.
Sinabi ni Climaco na ang pagbebenta ng mga permanent housing unit na ibinigay ng gobyerno sa mga lumikas dahil sa mga paglalaban ay “illegal or unlawful” alinsunod sa Code of Policies on Z3R Beneficiary Selection, sa bisa ng City Ordinance 268 noong 2005.
Nakasaad sa ordinansa na ang mga lote at bahay na ipinagkaloob ay hindi maaaring ibenta, ilipat ng pagmamay-ari o i-dispose sa anumang paraan maliban sa pagmamana, ayon sa alkalde.
“Selling [housing] units is a violation and I ordered the Housing [and Land Management Division] to go down and investigate the report,” ani Climaco.
Sasaklawin ng imbestigasyon ang iba pang lugar na may permanent housing, gaya ng mga barangay ng Tulungatung at Taluksangay, aniya.
Ipinagkaloob kamakailan ng pamahalaang lungsod ang ilang bahay sa may 274 na pamilya sa Bgy. Mariki. Nasa 283 bahay pa ang ipagkakaloob sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa pagsalakay ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa lungsod noong Setyembre 2013.
Batay sa code of policies, ang anumang mapatutunayang paglabag ay magiging basehan para idiskuwalipika ang isang tao sa pagtanggap ng iba pang Z3R housing units, ayon kay Climaco. (Nonoy E. Lacson)