LAHAT halos ng miyembro ng National Press Club (NPC) ay naghahangad na ito ay manatiling “second home” ng mga mamamahayag. Ibig sabihin, ang mediamen mula sa print at broadcast outfit ay nagpapalipas ng oras sa NPC building pagkatapos ng kanilang editorial at reportorial assignments.

Ito ang laging hinahangad at pinananabikan ni Willie Baun. Tuwing kami ay mag-uusap nang siya ay hindi pa dinadapuan ng matinding karamdaman, lagi niyang binibigyang-diin: Kailan kaya tayo makababalik sa ating “pangalawang tahanan?” Isa itong mithiin hanggang sa siya’y sumakabilang-buhay kamakailan; nakatakda siyang ihatid ngayon sa kanyang huling hantungan.

Sukdulan ng kawalan ng pagdakila sa isa pang haligi ng peryodismong Pilipino kung hindi tayo mag-uukol ng eulogy o luksang parangal sa isang masikap at matalinong kapatid sa propesyon. Si Willie ay naging editor-in-chief ng Economic Monitor, isang pahayagan noong mga nagdaang dekada na nakaukol sa pagnenegosyo. Naglingkod din siya sa Manila Bulletin, ang kapatid ng peryodikong ito. Kalaunan, halos pag-agawan siya ng iba pang publikasyon na tulad ng Journal Group, Manila Times, at iba pa. Malimit siyang maanyayahan bilang guest lecturer sa mga unibersidad, lalo na sa mga journalism forum.

Nagiging epektibong lider si Willie ng NPC sa loob ng mahabang panahon. Katunayan, magkatuwang kami sa pamumuno ng naturang organisasyon ng mga mamamahayag; siya ang vice president noong ikatlong termino ko bilang NPC president noong 1993. Sa loob ng panahong iyon, siya ang lagi kong kaagapay sa panunungkulan, lalo na sa paglutas ng mga problema na gumigiyagis sa NPC, tulad ng mga sensitibong isyu hinggil sa kaliwa’t kanang paglabag sa Journalists Code of Ethics. Mahigpit siya sa implementasyon ng mga reglamento laban sa magbibigay-dungis sa ating propesyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Marami siyang mga panukalang inihain sa NPC Board na pawang may kaugnayan sa pagpapanatili ng marangal na imahe ng organisasyon. Makabuluhan ang kanyang hangaring mapagkalooban ng scholarship ang anak ng mga mamamahayag, lalo na ang mahihirap subalit matatalinong mag-aaral. Maraming natulungan ang NPC sa gayong programa. Nagkataon na kabilang dito ang isa sa mga supling ni Willie.

Isang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay. Paalam, Kapatid. (Celo Lagmay)