Dahil patuloy na nakatatanggap ng mga reklamo, ilulunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang iTow application upang maiparating ng mga motorista ang kanilang sumbong laban sa mga abusadong towing company gamit ang smartphone.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na ang iTow application, sa pamamagitan ng Pureforce Citizens app, ay magiging available sa lahat ng smartphone, kabilang ang android at iOS platforms.
“Motorists will now have extra protection against illegal towing operations through this app. As such, they can immediately report or complain anomalous activities,” ani Carlos.
Sa iTow app, maaaring direktang mag-ulat ang user sa MMDA Command Center tungkol sa mga ilegal na towing operation, at maaari ring humingi ng tulong ang mga motorista sa anumang emergency, partikular na sa lansangan, sa pamamagitan ng app.
Libreng mada-download ng publiko ang iTow app.
Sa ngayon, saklaw na rin ng app ang Mabuhay Lanes, na may operasyon ang MMDA laban sa mga sasakyang ilegal na nakaparada. (Anna Liza Villas-Alavaren)