Draymond Green

LeBron at Cavs, nagkalat; Warriors, abante sa 2-0.

OAKLAND, California (AP) — Dalawang minuto ang ginugol ng Golden State Warriors para papurihan at parangalan ang namayapang ‘The Greatest’. Ang sumunod na 40 minuto ay pagpapatibay sa katauhan ng Warriors bilang susunod na ‘GOAT’ sa kasaysayan ng NBA.

Impresibo sa magkabilang aspeto ng laro, pinulbos ng Warriors ang Cleveland Cavaliers, 110-77, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) para itarak ang 2-0 bentahe sa NBA best-of-seven championship sa dinumog na Oracle Arena.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hataw si Draymond Green sa naiskor na 28 puntos, tampok ang limang three-pointer, habang kumubra si Stephen Curry ng 18 puntos para ipalasap kay LeBron James ang ikaanim na kabiguan sa finals.

Nakopo ng Warriors ang kampeonato sa nakalipas na taon nang gapiin ang Cavaliers, 4-2.

Ang 2-0 bentahe ng Warriors ay kauna-unahan din sa NBA Finals mula nang gapiin ng Los Angeles Lakers ang Orlando Magic noong 2009.

Biyaheng Cleveland ang Warriors sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) target ang panalo para tuluyang maibaon ang Cavs sa kabiguan. Sa 31 koponan na umabante ng 2-0, 28 ang nagwagi ng kampeonato.

Sasabak ang Cavaliers sa Game Three na wala si power forward Kevin Love na inilagay sa ‘concussion protocol’ matapos masiko sa batok ni Harrison Barnes sa kalagitnaan ng second period.

Nanguna si James sa Cavs na may team-best 19 puntos, ngunit nagtamo siya ng pitong turnover, kabilang ang magkasunod na ‘travelling violation’ sa kalagitnaan ng paghahabol ng Cleveland sa third period.

Ang 33 puntos na abante ang pinakamalaking bentaheng naitala ng Golden State sa NBA Finals at nakaamoy na ng dugo ang Warriors para sa katuparan ng hangarin para a back-to-back title.

“I’m definitely surprised at the margin of victory tonight,” pahayag ni coach Steve Kerr. “It happens in the NBA, sometimes things get away from you. Sometimes shots go in, sometimes they don’t. ... Everything changes when we go to Cleveland, we know that,” aniya.

Bumalikwas mula sa malamyang simula si Klay Thompson tungo sa pagtumpok ng 17 puntos at limang assists.

“What we’ve done the last few years, everybody, every night has an impact,” pahayag ni Curry, pinangunahan ang pagbibigay papuri para kay Muhammad Ali bago ang jump ball.

“You don’t know where it’s going to come from any given night. We’ve got to keep our focus and our edge and hopefully get two more.”

Dagok sa kampanya ng Cavaliers sa home court sa Game three at four ang inaasahang pagkabangko ni Love nang makadama ito ng panghihilo matapos tamaan ng siko ni Barnes sa ulo.

Batay sa NBA regulation, awtomatikong hindi makalalaro ang player na malalagay sa ‘concussion protocol’ upang makaiwas ito sa mas malalang injury sa hinaharap.

Nagtumpok lamang ng pinagsamang 20 puntos mula sa 8-for-28 shooting sina Curry at Thompson sa 104-89 panalo sa Game 1, ngunit impresibo ang ‘Splash Brothers’ sa natipang 13-of-24, tampok ang tig-tatlong three-pointer.

Naitala naman ni Leandro Barbosa ang ikalawang sunod na double digit iskor sa Finals sa naiskor na 10 puntos.

Sinimulan ni Andrew Bogut ang ratsada ng Warriors sa matibay na depensa kung saan napigilan niya ang Cavs sa pag-iskor sa limang pagkakataon.