Shaun Livingston, Iman Shumpert

Warriors bench, inatake ang Cavs sa Game 1.

OAKLAND, Calif. (AP) — Sa bibihirang pagkakataon na kapwa hindi pumutok ang long-range shooting ng “Splash Brothers”, handa at kargado ang bench para balikatin ang Golden State Warriors.

Nagsalansan ng career playoff-high 20 puntos si Shaun Livingston, habang kumana ng 11 puntos si Leandro Barbosa para sandigan ang Warriors sa impresibong 104-89 panalo kontra Cleveland Cavaliers sa Game 1 ng NBA Finals nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kumubra si Draymond Green ng 16 na puntos, 11 rebound, at pitong assist, nag-ambag si Harrison Barnes ng 13 puntos, habang tumipa si Andre Iguodala ng 12 puntos, pitong rebound at anim na assist, subalit higit siyang namayagpag sa depensa kontra kay LeBron James na nalimitahan sa 23 puntos, 12 rebound, at siyam na assist.

“We play a lot of people, and we feel like we have a lot of talent on the bench that can come in and score when we need it,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.

“So it’s a great sign, obviously, that we can win in the finals without those two guys having big games, but it’s not really that surprising to us. This has been our team the last couple of years,” aniya.

Matikas ang simula ng defending champion na ipinagbubunyi ng sold-out crowd na nakasuot ng pamosong dilaw ng t-shirt na may nakaburdang “Strength in Numbers”.

“That’s our motto. That’s what we believe in,” sambit ni Livingston.

“We pick each other up. We believe in each other and we just fight,” aniya.

Impresibo ang kampanya ni James, lumalaro sa ikaanim na sunod na kampeonato, subalit malamig ang shooting ng Cleveland sa 38.1 porsiyento. Nanguna si Kyrie Irving, nagtamo ng injury sa Game 1 overtime na kabiguan sa nakalipas na Finals, sa 26 na puntos, kabilang ang 11 sa free throw.

Naungusan ng Golden State bench sa scoring ang Cleveland, 45-10, sa pagsisimula ng serye na inaasahang muuwi sa dikdikang laban.

Ngunit, nabigo ang Cavaliers na samantalahin ang malamig na opensa nina back-to-back MVP Stephen Curry at Kyle Thompson na nalimitahan sa pinagsamang 20 puntos mula sa 8-for-27 shooting.

“You don’t win championships without the entire squad coming in and making an impact on games,” pahayag ni Curry.

“That’s why we’re here.”

Gaganapin ang Game Two sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Oracle Arena at kakailanganin ni James at ng Cavs na makagawa ng paraan para makaiwas sa 2-0 pagkakabaon bago tumulak ang serye sa Cleveland.

“When you get outscored 45-10 on the bench and give up 25 points off 17 turnovers, no matter what someone does or doesn’t do, it’s going to be hard to win, especially on the road,” pag-aamin ni James.

“Don’t matter what you do with Steph and Klay, don’t matter what you do with Draymond.”