LAUSANNE, Switzerland (AP) — Pormal nang makakasali ang professional boxers sa Olympics simula ngayong taon sa Rio Games.

Nagkakaisa ang mga lider ng International Boxing Federation (AIBA) sa isinagawang pagpupulong nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) na buksan ang pintuan ng quadrennial Games sa mga pro fighter.

Kakailanganin nilang dumaan sa qualifying tournament sa kani-kanilang national team.

Hindi pa man ipinahahayag ang naturang desisyon, kinondena at umani ng pagbatikos mula sa iba’t ibang professional boxing association ang naturang ideya dahil sa malaking agwat sa karansan ng pro at amateur boxers.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“At the moment it is difficult to anticipate (how many), but there will be some who want to get qualification,” pahayag ni Aiba president CK Wu sa media conference matapos ang isinagawang special meeting.

Kabilang si Filipino eight-division world champion Manny Pacquiao sa inimbita ng AIBA na makilahok sa Rio Games na nakatakda sa Agosto 5-21, ngunit pormal na niya itong tinanggihan dahil sa pagkapanalo bilang Senador nitong halalan.

May 84 sa kabuuang 88 federation ang bumoto para sa naturang pagbabago sa regulasyon. Nag-abstain ang nalalabing apat, ayon sa AIBA.

Nakalaan ang 26 na slot para sa Rio sa gaganaping Olympic qualifying sa Venezuela, sa Hulyo.

Ayon sa AIBA, sakaling hindi makalahok ang ibang pro dahil sa maiksing panahon, naghihintay naman umano ang Tokyo para sa 2020 Olympics.

“These are milestones for Tokyo. This is what is happening now,” pahayag ni Netherlands federation president Boris van der Vorst.

Matindi ang pagnanais ni Wu na maisama ang pro boxers sa Olympics upang makakuha nang karagdagang atensiyon tulad ng tinatamasa ng basketball, tennis at football.