Iminungkahi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na iurong ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections at isabay na lang sa botohan para sa pagpili ng bansa ng mga miyembro ng Constitutional Convention (ConCon).
“If we will also have an election to select ConCon members, and we have this barangay and SK elections, maybe it would be better if they will just be held together at the same time,” sinabi ni Bautista sa isang panayam nitong Martes.
Una nang inihayag ni President-elect Rodrigo Duterte ang kanyang plano na magpatawag ng ConCon upang simulan na ang plano ng kanyang administrasyon na palitan ng federal system ang umiiral sa gobyerno, ngunit hindi siya pabor sa panukalang ipagpaliban ang barangay at SK polls na itinakda sa Oktubre ngayong taon.
Ang ConCon ay pagtitipon para sa pagsulat ng bagong konstitusyon, at ang mga delegado nito ay ihahalal.
Gayunman, sinabi ni Bautista na ipauubaya na niya sa mga mambabatas ang desisyon kung ipagpapaliban o hindi ang eleksiyon sa Oktubre. (Leslie Ann G. Aquino)