HINDI mahirap unawain ang paglulunsad ni Tanauan City Mayor Antonio Halili ng shame campaign laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng mga bawal na gamot sa naturang siyudad sa Batangas. Tinaguriang Flores de Pusher, ang nabanggit na kampanya ay kinapapalooban ng pagparada sa mga pinaghihinalaang drug pusher na may hawak na karatula at may katagang “ako ay pusher, wag tularan”.

Kahawig ito ng kampanya na inilunsad ni dating Mayor Alfredo S. Lim laban din sa mga sugapa at bumibili ng illegal drugs sa Maynila. Ang mga bahay na pinamamahayan ng mga inaakalang drug pusher ay sinusulatan ng “may nakatirang drug addict dito”. Layunin ng naturang kampanya na lipulin ang mga naghahasik ng karahasan na pawang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Dahil dito, ang mga nasabing pusher ay napipilitang umalis sa lungsod.

Higit na matindi ang kampanya laban sa mga drug addict at pusher na ipinatupad ni President–elect Rodrigo Duterte sa Davao City nang siya ay nanunungkulan pang alkalde ng naturang siyudad. Mula noon hanggang ngayon, kilala ang Davao City sa pagiging drug-free; ang mga sugapa na dating talamak sa nabanggit na siyudad ay hindi na nasasaksihan sa nasabing lungsod.

Hindi lamang sila ang mga alkalde na determinadong naglulunsad ng shame campaign at iba pang kilusan laban sa kriminalidad. Masyadong talamak ang ipinagbabawal na droga at wala silang paraan kundi lipulin ang nasabing bisyo na nagbubulid sa kasamaan sa taumbayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nakalulungkot nga lamang at sa implementasyon ng gayong kampanya, lagi silang inaalmahan ng ilang sektor ng sambayanan, lalo na ang tinatawag na advocate of human rights violation. Inaakusahan sila ng paglabag sa karapatang pantao kahit na ang kanilang pinangangalagaan ay mismong karapatan ng mga nagiging biktima ng mga drug pushers at bangag sa bawal na gamot.

Subalit kailangang pahalagahan ng mga alkalde at ng iba pang lingkod ng bayan ang kagalingan ng mga mamamayan. Bigla kong naalala ang aking bunsong kapatid na isa ring mayor; na naging biktima ng tinaguriang noontime massacre, maraming taon na ang nakalilipas. Pinatay siya at ang tatlong iba pa dahil din sa kanyang paglilingkod sa bayan.

Isa itong patunay na kahit na anong panganib ay susuungin ng mga lingkod ng bayan na matapat sa pagtupad ng tungkulin para sa kapakanan ng taumbayan. (Celo Lagmay)