Dumulog sa pulisya ang isang operator ng taxi matapos “kahuyin” ng isang driver ang mga piyesa ng kanyang unit habang nakaparada sa Julia Vargas Avenue, Pasig City, nitong Huwebes.

Sa kanyang reklamo na inihain sa Pasig City Police, sinabi ni Stephen Lim, taxi operator, na tinangay umano ng driver na si Ariel Cadudong, 22, ang gulong, stereo, hack at susi ng kanyang 2004 Toyota Vios (TYP-517).

Dakong 4:00 ng hapon nitong Mayo 21 nang lumapit si Cadudong kay Lim sa garahe ng operator sa West Highland Building, Barangay Highway Hills, at nag-alok ang driver na imaneho ang taxi unit ni Lim at handa itong magbayad ng boundary na P1,300 para sa 24 oras na pamamasada.

Subalit matapos ang dalawang araw ay hindi pa rin umano ibinalik ni Cadugong ang sasakyan at hindi na rin ito nagbayad ng boundary.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Makalipas ang limang araw, natagpuan ng ibang driver ni Lim ang nawawalang taxi unit subalit hindi lamang sa marami nang piyesa ang tinangay dito kundi sira na rin ang air-conditioning unit at may mga tama pa ang bumper ng sasakyan.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya si Cadudong, ayon sa ulat. - Aric John Cua