Tatlong tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang ikinasawi ng isang 42-anyos na technician sa Balut, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nasawi habang ginagamot sa Tondo Medical Center si Victorino Dela Cruz, residente ng Aplaya Street, Tondo, dahil sa tama ng bala sa tiyan, sa kanang bahagi ng katawan, at sa braso.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nangyari ang insidente dakong 3:20 ng umaga sa isang eskinita sa Purok 6, Rodriguez, Balut, sa Tondo.

Lumilitaw sa impormasyong nakuha ng pulisya na posibleng may malaking atraso ang biktima sa suspek.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinasabing marami umanong nabiktima ng estafa ang suspek na nagpapagawa sa kanya ng mga nasirang gamit, ngunit iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad.

“Sabi doon sa lugar nila, estapador daw. Marami na raw niloko dun sa kanila; hinihingan ng pera tapos hindi ginagawa ‘yung trabaho,” ayon kay Balinggan.

Tinitingnan rin ng awtoridad ang anggulo ng ilegal na droga matapos kumpirmahin ng kinakasama ng biktima na si Rossana Marquez na gumagamit ng ilegal na droga ang biktima. - Mary Ann Santiago