Bumuo kahapon ng Special Investigation Task Force Group (SITFG) ang Philippine National Police (PNP) na tututok sa kaso ng pagkamatay ng limang dumalo sa isang concert sa SM Mall of Asia sa Pasay City, nitong Sabado.
Ang SITFG ay binubuo ng Criminal Investigation at Detective Group-National Capital Region (CIDG-NCR), PNP Crime Laboratory, Southern Police District (SPD), at Pasay City Police.
Ayon naman kay NCRPO Spokesperson Supt. Kimberly Molitas, welcome ang parallel investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso dahil makatutulong ito sa pagbibigay ng sapat at makatotohanang impormasyon sa publiko.
Iginagalang ng awtoridad ang kahilingan ng mga kaanak ng mga biktima, kaya ang usapin sa pagsusulong sa imbestigasyon sa kaso ay nakadepende pa rin sa desisyon ng mga ito.
Sinabi naman ni Pasay Police chief, Senior Supt. Joel Doria, na tapos nang sumailalim sa awtopsiya ang labi ni Ken Migawa,18, at hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri, gayundin ang resulta ng toxicology test.
Kinukumbinse pa ng awtoridad ang mga kararating lang mula sa Malaysia na kaanak ni Eric Anthony Miller na isailalim din ang huli sa kaparehong pagsusuri.
Idinugtong ni Doria na naghahanap pa ang awtoridad ng testigo sa kaso. (Bella Gamotea)