RIO DE JANEIRO (AP) — Hindi lamang Zika-virus ang banta sa mga atletang kalahok sa Rio Olympics, kundi maging mga pasaway na magnanakaw.

Ipinahayag nitong Lunes (Martes sa Manila) ni Spain Olympic gold medal winner sailor Fernando Echavarri na nagkaroon ng banta sa kanyang buhay nang tutukan siya ng baril at pagnakawan, kasama ang dalawang teammate ng limang kabataan, habang naglalakad patungo sa isang kainan para mag-almusal.

“We were a bit naive, a bit too daring and we are lucky to have survived,” pahayag ni Echavarri sa panayam ng Associated Press.

Naglalagi na ang koponan ni Echavarri sa Rio para mag-ensayo bago ang pagsabak sa Olympics sa Agosto.

Pinakamatandang 'Olympic champion,' pumanaw sa edad na 103

“We were too confident, and being confident in Rio is not a good thing,” aniya.

Inilarawan ni Echavarri ang mga suspek na pawang nasa edad 16 at tila nasa impluwensiya ng alak o droga dahil sa pamumula ng mga mata.

Aniya, wala silang nagawa kundi ibigay ang kanilang mga cellphone at iba pang bitbit na kagamitan sa mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Mahigit isang linggo na ang koponan ng Spain sa Rio at pansamantla silang nanunuluyan sa pamosong Santa Teresa, isang hilltop neighborhood na sikat sa mga turista at 20 minuto lamang ang layo sa sailing venue.

“We made a big mistake,” sambit ni Echavarri. “We should have caught a taxi, taken a car and avoided a thing like this. We have to be careful, but the city needs more policing.”

Ayon kay Echavarri, kampeon sa 2008 Olympics, walang mga nagpapatrolyang pulis nang maganap ang insidente.

“This was a completely uncontrolled situation,” aniya. “I think they were nervous and on drugs. They were really small guys. They were kids.”