Nais ng kampo ni vice presidential candidate at Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ma-audit ang automated election system na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) sa eleksiyon nitong Mayo 9.

Ito ay kasunod ng “pagkalikot” ni Marlon Garcia, project manager ng Smartmatic Philippines, sa transparency server ng Comelec noong gabi ng mismong araw ng halalan.

Nagtungo sa punong tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila ang mga abogado ni Marcos at nagsumite ng tatlong-pahinang liham na pirmado mismo ng senador, para humiling ng audit sa transparency server at central server ng poll body.

Ayon kay Jonathan dela Cruz, tagapagsalita ni Marcos, nais nilang malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng systems audit.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nilinaw naman niya na hindi random manual audit (RMA) ang hinihiling nila kundi auditing sa kabuuan mismo ng automated election system.

Sinabi naman ni Atty. Jose Amor Amorado, abogado ni Marcos, na dismayado sila sa paglabag sa protocol ni Garcia nang baguhin ang script ng transparency server nang walang paalam sa mga opisyal ng Comelec.

Naging dahilan kasi, aniya, ito upang mapagdudahan ang integridad ng katatapos na eleksiyon.

Giit pa nila, nais nilang matiyak na cosmetic change nga lang ang ginawa ni Garcia at wala itong ginawang ‘substantial alterations’ sa script at ang data sa halalan ay hindi naapektuhan nito.

Tahasan namang sinabi ni Marcos sa liham na hindi rin nila nagustuhan na ni hindi man lang isinapubliko ng Comelec at ng Smartmatic ang ginawang alteration ng data sa transparency server kung hindi pa ito natuklasan ng kanilang kampo.