APTOPIX Raptors Cavaliers Basketball

Cavs, angat sa Raptors; sumirit sa 10-0 marka sa playoff series.

CLEVELAND (AP) — Nakadama ng takot ang home crowd sa masiglang simula ng Toronto Raptors, ngunit panandalian lamang ang pangamba nang magsimulang tumaas ang sigla ni LeBron James at ng Cleveland Cavaliers.

Hataw si James sa natipang triple-double – 23 puntos, 11 rebound at 11 assist – para sandigan ang Cavaliers sa dominanteng 108-89 panalo para sa 2-0 abante sa Eastern Conference best-of-seven finals nitong Huwebes ng gabi (Biyernes sa Manila).

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Bunsod ng panalo, tinanghal ang Cavs na ikaapat na koponan sa kasaysayan ng NBA na kumana ng 10-0 marka sa playoff tulad ng Los Angeles Lakers (1989, 2001) at San Antonio Spurs (2012). Tanging ang 2001 Lakers ang naging kampeon.

Target ng Cavaliers na makabalik sa NBA Finals sa ikalawang sunod na season. At dalawang laro na lamang ang layo nila para maisakatuparan ang layunin.

Gaganapin ang Game 3 sa Toronto, sa Linggo (Lunes sa Manila), gayundin ang Game 4 sa Martes (Miyerkules sa Manila).

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 26 na puntos, habang tumipa si Kevin Love ng 19 na puntos para sa Cleveland.

Taliwas sa kanilang laro sa Game 1 kung saan tinambakan sila ng 31 puntos, matikas na nakihamok ang Raptors sa first half, ngunit, hindi nagtagal ang kanilang paglaban nang atakihin sila nang mas matikas na Cavaliers.

“We play offense, we play defense and we’re great at special teams as well,” ayon kay James.

Ratsada si DeMar De Rozan sa nakubrang 22 puntos, ngunit malamig ang opensa ng kapwa niya All-Star guard na si Kyle Lowry na nalimitahan sa 10 puntos mula sa 8 of 28 shooting sa field.

Nahigitan ni James si hall-of-famer Shaquille O’Neal sa ikaapat na puwesto para sa career postseason scoring list at naitala ang ika-15 triple double sa playoff.

“We don’t want to lose,” sambit ni James.