Natangayan ng mamahaling smartphone ang isang pasahero matapos holdapin ng dalawang lalaki habang sakay sa isang UV Express van sa Quezon City, kamakalawa ng umaga.

Natulala si Susan Velo, isang account executive at residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, makaraang hablutin ng dalawang holdaper ang kanyang iPhone 6+ habang sakay siya sa isang UV Express van, na may conduction sticker YT 5235, sa North Avenue sa Bgy. Vasra, pasado 10:00 ng umaga.

Mula sa Rodriguez, Rizal, patungo sana ang van sa SM North EDSA nang magdeklara ng holdap ang dalawang suspek sa tapat ng Sugar Regulatory Administration sa North Avenue.

Habang tinututukan ng patalim, walang nagawa si Velo kung hindi ibigay ang kanyang mamahaling cell phone sa dalawang suspek na nakaupo sa kanyang tagiliran.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Dali-daling bumaba ang dalawang suspek sa van at tumakas sakay sa isang motorsiklo na minamaneho ng ikatlong suspek.

Nang magtungo sa Quezon City Police District Station 2, positibong itinuro ni Velo ang suspek sa Rouge Gallery na si Raizen Paul Barandino, na dati nang inaresto sa panghoholdap.

Ayon sa pulisya, gumagamit si Barandino ng mga alyas na “Ryan La Peña” at “Reiner Barandino.”

(Vanne Elaine P. Terrazola)