Pinagpiyestahan ng National University at IPPC Hawks ang kani-kanyang kalaban, habang ginulantang ng De La Salle U ang University of Santo Tomas Golden Sox para itala ang importanteng panalo sa ikalawang araw ng 2016 Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner’s Baseball Cup, sa Rizal Memorial Baseball Field.
Binigo ng DLSU Green Batters via mercy rule ang Golden Sox matapos ang anim na inning sa pagtatala ng 16-1 runs upang itala ang unang panalo sa Pool D ng torneo na isinasagawa ng PSC upang madetermina ang mga posibleng manlalaro na bubuo sa pambansang koponan sa baseball.
Kaagad na umiskor ng isang run ang UAAP Season 78 runner-up na La Salle sa first inning, bago nito sinundan ng lima sa second at pito sa third inning bago ang panghuling tatlong home run sa ikaanim na inning upang patatagin ang tsansa sa asam nitong pagtuntong sa kampeonato.
Nagtulong sina DLSU pitcher Vicente Manuel Barandiaran at Arvin Maynard Herrera na limitahan naman sa isang home ang UST sa ikaanim na inning. May tatlong inning si Barandiaran na nagbigay lamang ng 2 hit at may 3 strikeout, habang si Herrera ay may apat na inning na may 1 hit at 2 strikeout.
Binigyan naman ng IPPC Hawks na binubuo ng mga dating miyembro ng unang tinanghal na kampeon na Philab ng matinding leksiyon ang magiging kinatawan ng bansa sa Asia Pacific Litlle League Series Juniors division na Vitarich-ILLAM na siyang bumubuo sa Big Daddy’s sa pagtarak ng 23-2 panalo.
Nagpamalas naman ng matikas na paglalaro ang koponan ng ILLAM na sasabak sa Senior League Baseball bago ito tuluyang yumukod sa mas beteranong National University Bulldogs sa isa pang abbreviated match, 15-5.
Agad umiskor ng pitong run ang NU sa ikalawang inning, na sinundan nito ng tatlo sa ikatlo upang iwan ang ILLAM. Gayunman, sumagot ang ILLAM nang tatlong run sa ikatlong inning subalit napigilan sa tig-isa lamang sa ikaanim at ikapitong inning para sa kabuuang limang runs. - Angie Oredo