Italy Tennis Italian Open

ROME (AP) — Sinimulan ni Serena Williams ang kampanya sa clay-court ngayong season sa impresibong 6-4, 6-3 panalo kontra 51st-ranked Anna-Lena Friedsam sa second round ng Italian Open nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Tila hindi dumanas ng karamdaman na naging sanhi ng kanyang hindi paglalaro sa Madrid Open kamakailan, ang galaw ni Williams na sunud-sunod na pumuntos tungo sa magaan na panalo sa torneo na nilahukan ng mga world-rated netter.

“I love the clay and it just really felt good out there tonight,” sambit ni Williams.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I was really happy with my level. I think I was really consistent. ... I was really concerned how it would be just running and moving and recovering. But it was fun.”

Tangan ang 21-time Grand Slam winner, hindi pa nakakatikim ng kampeonato si Williams mula nang magwagi sa hard-court event sa Cincinnati noong Agosto.

Nasilat si Williams ni Angelique Kerber sa nakalipas na Australian Open at nasibak ng maaga sa Indian Wells, California. Sa iba pang sabak sa torneo, natalo siya kay Svetlana Kuznetsova sa fourth round ng Miami Open.

Ginagamit ng three-time Rome champion ang torneo para masukat ang kanyang katatagan bago ang pagsabak sa French Open.

“It wasn’t an easy match,” sambit ni Williams.

“She’s an up-and-coming player and she plays well.”

Sa iba pang resulta, nagwagi si Eugenie Bouchard kay Jelena Jankovic 6-4, 2-6, 6-3, habang naungusan ni 2011 US Open champion Samantha Stosur si American qualifier Alison Riske 4-6, 7-6 (5), 6-1 at nanaig si British player Johanna Konta kay Swedish qualifier Johanna Larsson 6-1, 6-2.

Sa men’s second-round action, nanaig si sixth-seeded Kei Nishikori kay Viktor Troicki 5-7, 6-2, 6-3, at umusad si eighth-seeded Tomas Berdych kontra Albert Ramos-Vinolas 6-3, 6-4.