KINASUHAN ni Sen. Antonio Tillanes IV si Mayor Rodrigo Duterte ng pandarambong bunsod ng pagkakaroon umano nito ng 11,000 ghost employees noong ito pa ang alkalde ng Davao City. Kung mananalo si Mang Rody ngayon, may epekto pa kaya ang kasong ito ng dating coup plotter na si Trillanes?
Noong Biyernes (Mayo 6), apat na araw bago ang halalan, sinabi ni Sen. Grace Poe na hindi siya aatras sa pagtakbo tulad ng paninira ng kanyang mga kalaban. Dagdag pa ay sinabi niya na hindi kailangan ng mga Pilipino ang isang Berdugo para mamuno sa naghihirap at nagdurusang bansa.
Papaano, Sen. Grace, kung ang pipiliin ng taumbayan ay tulad ni Mayor Digong na isang self-confessed executioner (berdugo)? Papaano, Ms. Poe-Llamanzares, kung ang ihahalal ay isang magnanakaw daw (Binay)? O kaya ay isang “insensitive non-performer” na naging DoTC at DILG Secretary pero hindi nalunasan ang bigat ng trapiko, pagtirik ng MRT-3, tanim-bala sa NAIA, at kakulangan ng sapat na tulong at kalinga sa mga biktima ng ‘Yolanda’ (Roxas)? Papaano si Sen. Miriam Santiago na nakikipaglaban sa stage 4 cancer?
Sabi ni CamSur Rep. Leni Robredo: “Sa mga nasa laylayan ng lipunan, iaangat natin ang kanilang kalagayan sa buhay.”
Sabi ni Mar Roxas: “Ipagpapatuloy natin ang Tuwid na Daan.” Sabi ni Mayor Duterte: “Mga put... ina ninyo, papatayin ko kayo! Patatabain ko ang mga isda sa dagat dahil sa inyong mga bangkay.” Sabi ni Binay: “Palulusugin ko ang ekonomiya ng Pilipinas tulad ng ginawa kong pagpapalusog sa ekonomiya ng Makati.” Sabi ni Miriam: “Hindi kailangan ng bansa ang isang revolutionary at pro-NPA gov’t. Suntukan na lang tayo.”
Hindi pa handa at marahil ay hindi tatanggapin kailanman ng isang demokratiko at Katolikong bansa ang pagkakaroon ng isang gobyernong komunista. Dahan-dahan ka, Mayor Digong, sa iyong mga pahayag. Dapat mong unawain na kaya ka lang gusto ng taumbayan ay dahil sa galit sa administrasyon, galit sa illegal drugs, galit sa pagkamatay ng SAF 44, galit sa karahasan sa protesta ng magsasaka sa Kidapawan, galit sa bigat ng trapiko, galit sa pagtirik ng MRT-3, galit sa tanim-bala, galit sa mukhang-perang mga mambabatas, galit sa PDAF at DAP, galit sa laganap na riding-in-tandem, at galit sa kahirapan at kagutuman na pinatitindi pa ngayon ng tagtuyot sanhi ng El Niño. (Bert de Guzman)