Hanggang sa huling araw ng campaign period kahapon ay nakapagtala pa rin ng karahasang may kinalaman sa eleksiyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa bayan ng Jones sa Isabela, tatlong tagasuporta ng mayoralty bet na si Vice Mayor Melanie Uy ang kumpirmadong nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan makaraan silang tambangan sa Barangay 1, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report kahapon ni Senior Insp. Samuel Lopez, hepe ng Jones Police, dakong 8:30 ng umaga at nangangampanya si Uy sa nabanggit na lugar patungo sa Bgy. Namnama nang paulanan ng bala ng hindi nakilalang suspek ang kanyang grupo.

Nasawi sina SPO4 Arthur Anunciacion, 54; Lydia Zapata, 52, may asawa, kapwa taga-Bgy. 1, Jones; at Roderick Eugenio, nasa hustong gulang, driver, ng Bgy. Bibiklat, Aliaga, Nueva Ecija.

Probinsya

Tricycle driver na nagselos at sinabihang maliit ang ari, sinaksak sekyu na pinagselosan!

Nasugatan naman sa insidente sina Esperanza Rhoda Anunciacion, 45, incumbent chairman ng Bgy. 1; Reignzel Art Anunciacion, 12; Julius Julian, 27, ng Bgy. Diarao; at Samuel Bulusan, 39, magsasaka, ng Bgy. Minuri, parehong sa Jones.

Sa Tanauan City sa Batangas, Biyernes naman ng gabi nang mapatay ang re-electionist na si City Councilor Efimaco Magpantay, 64, matapos siyang pagbabarilin sa lungsod.

Sugatan naman ang security aide/driver ng konsehal na si Joel Garcia, 42, taga-Bgy. Darasa sa lungsod.

Ayon sa report mula kay Insp. Mary Anne Torres, information officer ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 6:52 ng gabi at nakipagpulong sa mga tricycle driver sa Bgy. Darasa ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng hindi nakilalang suspek.

Sinasabing nakasuot ng itim na jacket, maong pants at puting helmet ang suspek, na umangkas sa isang motorcycle rider at humarurot patungong Malvar.

Samantala, isinailalim na sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang bayan ng Zamboangita sa Negros Oriental matapos na pasabugan ng granada ang bahay ng isang kandidato sa pagka-alkalde, kahapon ng umaga.

Nawasak ang dalawang sasakyan ni Marcelo Adanza matapos pasabugan ng granada ang bahay nito dakong 4:30 ng umaga.

Bagamat ayon sa pulisya ay nasira ang salaming bintana sa sala ng bahay ni Adanza, wala namang nasaktan sa nasabing pambobomba.

Batay sa record ng pulisya, taong 2001 at kandidato rin si Adanza nang pasabugan din ng granada ang kanyang bahay.

Kasabay nito, iniulat kahapon ng Southern Luzon Command ang apat na magkakasunod na pagsabog malapit sa Divisoria Elementary School sa Cataingan, Masbate, nitong umaga ng Mayo 4.

Ayon sa imbestigasyon ng Cataingan Police, dalawa sa apat na pagsabog ay nangyari may 50 metro at 150 metro ang layo sa eskuwelahan, na roon nakaimbak ang mga Vote Counting Machine (VCM) at iba pang election paraphernalia na gagamitin bukas.

Hindi napinsala ang mga ito, o ang alinmang bahagi ng paaralan, ayon sa awtoridad.

Nag-iimbestiga na ang pulisya, kasabay ng pagpapaigting sa seguridad sa mga voting center sa buong Southern Luzon.

(LIEZLE BASA IÑIGO, LYKA MANALO, FER TABOY, at DANNY ESTACIO)