Warriors, abante sa 2-0; Heat, lusot sa OT.
OAKLAND, California (AP) — Nasukol ng Blazers ang Warriors, ngunit, tulad ng isang palabang lion, nagawang makaalpas ng defending champion sa amba ng kabiguan para makuha ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven Western Conference semi-finals.
Kumana si Klay Thompson ng 27 puntos, kabilang ang three-pointer may 5:33 sa laro para ipatikim sa Warriors ang unang kalamangan sa laro at patatagin ang ratsada ng Golden State tungo sa 110-99 panalo laban sa Portland nitong Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila).
Nag-ambag si Draymond Green ng 17 puntos, 14 rebound, pitong assist at apat na blocked shot para sa panibagong panalo ng Warriors sa kabila ng pagkawala ni MVP Stephen Curry, nagtamo ng sprained MCL sa kanang tuhod.
Gaganapin ang Game Three sa Sabado (Linggo sa Manila) sa Portland, kung saan inaasahang magbabalik-aksiyon si Curry.
Naisalpak ni NBA Finals MVP Andre Iguodala ang dalawang free throw, may 7:25 sa laro para tapyasin ang bentahe ng Blazers sa 88-91 bago sinundan ng three-pointer ni Thompson para maitabla ang iskor may 6:44 ang nalalabi sa regulation.
Dumagundong ang Oracle Center sa hiyawan at pagbubunyi ng home crowd matapos makaalpas ng Warriors mula sa 17 puntos na paghahabol.
Naisalpak ni Damian Lillard ang three-pointer sa pagtatapos ng third period para sa 87-76 bentahe ng Portland. Kumana si Lillard ng 25 puntos at anim na assist, habang tumipa si CJ McCollum ng 22 marka para sa Blazers na pumuntos ng 13 three-pointer.
Dominante ang Blazers sa laro mula simula kung saan dinugo ang opensa ng Warriors sa malapader na depensa ng karibal. Nagawa ring masawata ng Portland ang bawat pagtatangka ng Warriors na makahabol.
Nagsalansan si Shaun Livingston ng 14 na puntos – ikalimang doube-digit performance sa playoffs matapos pansamantalang humalili kay Curry sa starting lineup.
Humirit si Thompson, tumipa ng career playoff-high 37 puntos sa panalo ng Warriors sa Game 1, 118-106, sa 7-for-20 tampok ang limang three-pointer.
HEAT 102, RAPTORS 96 (OT)
Sa Toronto, nangailangan ang Miami Heat ng dagdag na limang minuto para maihawla ang Raptors sa overtime sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference second round playoff.
Nahila ng Raptors ang laro sa extra period nang maibuslo ni Kyle Lowry ang hailed-mary three-pointer sa buzzer. Ngunit, pansamantala lamang ang pagkaudlot ng panalo ng Heat.
Nanguna sa Heat si Goran Dragic na may 26 puntos habang tumipa si Dwyane Wade ng 24 na puntos, kabilang ang pito sa overtime; habang humarbat si Joe Johnson ng 16 puntos at nakaiskor si Josh Richardson ng 12 puntos.
Mananatiling host ang Raptors sa Game Two sa Biyernes (Sabado sa Manila), Sa overtime, tila nawala ang ngitngit ng Raptors , nagawa lamang makaiskor sa jumper ni DeMar DeRozan, may 3:20 sa laro.
Sa nagawang 3,638 puntos sa kanyang career sa playoff, nalagpasan ni Wade sa ika-16 puwesto ng NBA playoff scoring list sina Hall-of-Famer Elgin Baylor (3,623) at Scottie Pippen (3,642).