NATATANGI sa lungsod ng Antipolo, ang Pilgrimage Capital ng Pilipinas, ang buwan ng Mayo sapagkat panahon ito ng pagbibigay-buhay sa kultura at tradisyon sa pamamagitan ng Antipolo Maytime Festival. Hindi ito nakaliligtaan ng pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Antipolo Mayor Jun Ynares at ng Antipolo Tourism Office. Naghahanda sila ng iba’t ibang gawain upang bigyang-halaga ang buwan ng Mayo.
Kasabay ang pagpaparangal sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay, ang patroness ng Antipolo na tuwing Mayo ay pinupuntahan ng mga deboto mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Metro Manila, Rizal at karatig lalawigan upang magpasalamat sa natanggap na mga biyaya.
Ayon kay G. Mar Bacani, tourism officer sa Antipolo, ang simula ng Antipolo Maytime Fesival 2016 ay sinimulan ng motorcade ng replica ng Mahal na Birhen ng Antipolo mula sa simbahan ng Quiapo noong gabi ng Abril 30 hanggang sa madaling-araw ng Mayo 1. Sinabayan ng paglalakad ng mga pilgrim na mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Metro Manila hanggang makarating sa Cathedral ng Antipolo na shrine ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Kasama ring naglakad ang mga taga -Rizal na mula sa iba’t ibang bayan na may panata at debosyon sa Mahal na Bihen ng Antipolo.
Sa ika-3 ng Mayo, tampok sa Antipolo Maytime Festival ang simula ng nobena sa Mahal na Birhen ng Antipolo at ang prusisyon mula sa Cathedral ng Antipolo hanggang sa White Cross o Pinagmisahan na maapos ang misa, balik ang prusisyon ng imahen ng Mahal ng birhen ng Antipolo sa cathedral. Sa umaga ng Mayo 4, tampok naman ang street dancing competition mula sa Sumulong Park at matatapos sa Ynares Center na doon gagawin ang final showdown ng mga mag-aaral na lumahok mula sa iba’t ibang eskuwelahan sa Antipolo. Kasunod nito ang SUMAKAH (Suman, Mangga,Kasoy at Hamaka) street decoration contest.
Bahagi rin ng Antipolo Maytime Festival ang Musikahan o Battle of the Bands sa Sumlong Park, ang Talent Night ng mga kandidata sa Queen of Antipolo at ang Suman Fusion and Agri-Torism Fair sa Sumlong Park na tuwing Sabado at Linggo ay tampok ang mga produkto ng mga nasa mountain barangay ng Antipolo.
Tampok naman sa Mayo 14 ang Konsiyerto ng Antipolo City Band sa Virra Mall, Mahabang Parang. Isang magandang pagkakataon na mapakinggan ng mga mahilig sa tugtuging obertura at iba pang kilalang komposisyon ng bantog na kompositor sa ibang bansa at maging dito sa Pilipinas.
Sa ika-15 ng Mayo, tampok ang Antipolo Maytime Festival cultural presentation sa Vista Mall, Mahabang Parang, at sa Mayo 21, ang Grand Sagala sa Bayan.
Ang Antipolo Maytime Fstival ay pagpapahalaga ng pamahalaang lungsod at ng mga Antipolenyo sa kanilang kultura at tradisyon.