ISA sa pinakamahalagang mensahe na ipinagkaloob ng Panginoon sa kanyang mga disipulo ay kapayapaan. “Sumainyo ang kapayapaan,” aniya nang magpakita siya sa kanyang mga disipulo noong gabi ng Linggo ng Pagkabuhay (Lk 24,36).
Sumang-ayon si Mahatma Gandhi, tagasulong ng kapayapaan, kay Hesus, at sinabing, “If we live by an ‘eye for an eye’ and ‘tooth for a tooth’ kind of justice then everybody would be blind and toothless!”
Ang kapayapaan ay isang mensaheng hindi kumukupas magpahanggang ngayon, dahil laganap ang patayan, nakawan, pandurukot at pagpupugot katulad na lamang ng ginawa ng bandidong Abu Sayyaf sa isang Canadian.
Wala ring kapayapaang namamagitan sa mga kumankandidato sa darating na eleksiyon o binabalewala ang batas, halimbawa, ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng baril o pandaraya sa eleksiyon.
Pagdating sa bawat tahanan, walang respeto sa isa’t isa ang bawat miyembro ng pamilya.
May kuwento tungkol sa isang batang lalaki na gumagawa ng kanyang takdang-aralin. Nilapitan niya ang kanyang ama at tinanong: “Dad, paano po ba nagsisimula ang gulo?” Sumagot ang kanyang ama at sinabing, “Nagsisimula ang gulo at away, halimbawa, kapag inatake ng U.S. ang Britain; at gumanti ang Britain sa U.S.”
Biglang sumingit sa usapan ang kanyang ina at sinabing: “Paano mangyayari iyon? Eh, magkakampi ang USA at Britain!”
Sumagot muli ang ama ng bata: “Eh, halimbawa ko lang naman ‘yon!”
Ngunit hindi pa rin nagpatalo ang ina ng bata at sinabing: “Paano matututo ang bata kung mali ang inihahalimbawa mo!” Hanggang sa tuluyang nakipagtalo ang ama ng bata ang sinabing: “’Di ba’t sinabing halimbawa ko lang naman ‘yon?
Bakit ka ba nakikialam? Manahimik ka na lang d’yan!” At muling nagsalita ang ina: “Manahimik ka rin! Mali-mali kasi tinuturo mo!”
At hindi na napigilan pa ng bata na magsalita at sinabing: “Daddy, Mommy, tama na po ‘yan. Alam ko na po kung paano nagsisimula ang away.
Walang kapayapaan sa buhay ng isang tao kung ang magulo ang kanyang esperituwal na aspeto. (Fr. Bel San Luis, SVD)