MAY kasabihang: “Magbiro ka na sa lasing, huwag lamang sa bagong gising sapagkat ang taong bagong gising ay hindi pa ganap na nagbabalik sa normal ang pag-iisip.”
May mga pagkakataong naalimpungatan ang mga ito kaya’t kapag biniro mo’y mabilis mag-init ang ulo. Hindi katulad sa taong lasing na alam naman ang kanilang ginagawa. Kapag lasing ang isang tao, pasuray-suray na ito kung maglakad, paulit-ulit sa pagkanta, at sumasayaw. May naghuhubad sa gitna ng kalsada. At kung minsan, nagagawang umihi sa harap ng maraming tao.
Walang pakialam kung makita ang kanyang “barangay tanod” tuli man siya o supot. Ngunit kung ang lasing naman ay naghahamon na ng away, may mga concerned citizen na tatawag sa barangay upang damputin ito. Ikukulong at sa loob ng selda palilipasin ang kalasingan.
Sa kalagayan naman ng pambato ng PDP-Laban standard bearer na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, inulan siya ng batikos dahil sa kanyang rape joke sa mapait na sinapit ng Australian missionary na si Jacquiline Hamill noong 1989.
May dalawang video clip on line na ipinakikita ang nangyari sa Davao City detention center. Sa nasabing video ay ikinukuwento ni Duterte at sinabing pinilahan at halinhinang ginahasa ng mga preso ang magandang Australian missionary. Aniya, mayor dapat muna ang nauna.
Dahil dito ay galit na galit sa kanya ang grupo ng kababaihan. Pinaratangan siyang walang paggalang sa kababaihan at naghain ang mga ito ng reklamo laban kay Mayor Duterte sa Commission on Human Ritghts (CHR). Kaugnay nito, may mga Obispong nagtanong kung si Mayor Duterte ang dapat ihalal sa pagkapangulo. Nanguna rito ang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas. Hiniling niya sa mga botanteng Pilipino na tanungin ang kanilang sarili kung si Mayor Duterte ay dapat maging pangulo ng ating bansa.
Matindi naman ang naging reaksiyon ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa rape joke ni Duterte at inilarawan niya itong bastos at may magaspang na asal. Maaaring nalimutan ni Duterte na ang kanyang gutter language at mga biro na tinatanggap sa lalawigan, ay hindi maaaring matanggap kahit saan. Hindi niya sinasabing masamang tao si Mayor Duterte ngunit hindi umano siya karapat-dapat mapabilang sa mga mamamayan na may magandang asal at mabuting ugali.
Dahil sa sunud-sunod na batikos sa rape joke ni Duterte na noong una’y walang balak na humingi ng paumanhin, napilitan din ang macho at pambato ng PDP LABAN standard bearer na humingi ng paumanhin sa publiko lalo na sa mga kababaihan. (Clemen Bautista)