Pinagkalooban ng Department of Justice (DoJ) ang casino junket operator na si Kam Sin Wong, alyas “Kim Wong,” ng karagdagang araw upang magsumite ng kanyang affidavit kaugnay ng kasong inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa kanya.

Hindi na rin sumipot si Wong sa preliminary investigation ng DoJ kamakalawa na may kinalalaman sa $80.9-million money laundering complaint.

Sinabi ni Prosecutor Gilmarie Fe Pacamara na binigyan ng DoJ si Wong ng karagdagang panahon upang magsumite ng kanyang counter affidavit base sa mosyon na inihain ng abogado ng casino junket operator na si Atty. Hanifa Bedar.

Ipinagpaliban din ng DoJ ang preliminary investigation sa Mayo 3.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Nakasaad sa mosyon ni Wong na kailangan niya ng karagdagang panahon upang maisumite ang kanyang counter affidavit dahil sa makapal na dokumento na isinumite ng AMLC sa kagawaran.

Nakatakda ring dumalo si dating Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC)-Jupiter Branch manager Maia Santos-Deguito sa preliminary investigation sa Mayo 3.

Samantala, ipinatawag din ng DoJ ang Chinese na si Weikang Xu upang sumipot sa preliminary investigation pero hindi ito tumugon. (Jeffrey G. Damicog)