Isang Pinay ang ginagahasa sa bawat 53 minuto, ayon sa bagong pag-aaral ng isang research and training institution.

Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), isang research and training institution na itinatag noong 1982, ito ay isang “fact not joke”, at hiniling sa gobyerno na aksiyunan ang usapin.

“Reducing the issue of rape to ridicule is alarming because the reality shows that every 53 minutes, a woman or child is raped. Everybody cringes with such information. Every woman or girl feels unsafe. And the question is: what is the government doing about it?” sabi ni Jojo Guan, executive director ng CWR.

Ayon sa tuklas ng CWR, ang bilang ng naitalang kaso ng rape sa panahon ng administrasyong Aquino ay tumaas ng 92 porsiyento; mula 5,132 noong 2010 ay lumobo sa 9,875 noong 2014.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nangangahulugan ito na isang babae o bata ang hinahalay kada 53 minuto, at pito sa 10 biktima ay paslit.

Kasabay nito, tumaas naman ng 200 porsiyento ang mga kaso ng paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act mula 2010 hanggang 2014.

Nabatid din sa pag-aaral na batay sa record ng gobyerno, sa 9,445 kaso ng rape na napaulat ay 59 na porsiyento lang ang naisampa sa korte.

Ipinaalala rin ni Guan na hindi ang biro ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte tungkol sa panghahalay sa isang Australian missionary ang unang tumalakay sa panggagahasa. Noong nakaraang taon, binatikos ang isang T-shirt na nasusulatan ng “Rape is a snuggle with a struggle” at ibinenta sa isa sa pinakamalalaking retail store sa bansa. Isa ring sikat na TV host ang tinuligsa sa pagbibiro nito tungkol sa panggagahasa sa isa sa mga concert nito. (Betheena Kae Unite)