Pagpapaliwanagin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Chile kung bakit wala o “zero” pa rin ang voter turnout nito simula nang buksan ang overseas absentee voting (OAV) noong Abril 9.

Aalamin din ng DFA sa Philippine Post sa Mexico kung bakit isa pa lamang ang nakaboboto roon.

Nitong nakaraang linggo, nakaranas ng malalakas na ulan ang Chile na nagdulot ng malawakang baha dahilan upang ilagay sa red alert ang Santiago City, kung saan matatagpuan ang Embahada ng Pilipinas.

Batay sa tala ng DFA, mahigit 1.3 milyong overseas Filipino voters ang inaasahang lalahok sa isang buwang OAV, mula Abril 9 hanggang Mayo 9.

National

Chel Diokno sa pagtakbo ng Akbayan sa Kongreso: ‘Our record speaks for itself!’

May kabuuang 275,729 na rehistradong Pilipinong botante sa mga bansa sa Amerika, 152,174 rito ay mga bagong rehistro, subalit umabot pa lamang sa 1,601 ang bumoto, ang pinakamababang turnout sa tatlong rehiyon.

Iginiit ni DFA-Overseas Voting Secretariat (OVS) chairman, Undersecretary Rafael Seguis na dapat ay walang zero voter turnout sa mga embahada at konsulado. Hiniling niya sa mga ambassador, opisyal at staff ng embahada na maging mga ehemplo at manguna sa pagboto.

Sa survey ng OVS matapos ang 2013 elections, kabilang sa mga rason kung bakit hindi bumoto ang mga Pilipino abroad ay dahil hindi sapat ang kanilang kaalaman at impormasyon kaugnay sa mga kandidato; hindi prayoridad ang pagboto dahil sa malayo, magastos at gugugol ng oras at panahon; lumipat ang OFWs at bigong magbigay ng bagong address; kawalan ng tiwala sa sistema sa pulitika; pagbabago sa citizenship ng botante; at hind pag-iisyu ng permit para sa field voting activities.

“Since overseas Filipinos are considered to be their family’s bread winners, it is not a stretch to surmise that each overseas Filipino can influence the vote of at least three family members. Thus, the 1.3 million active registered overseas voters are roughly equivalent to 5.2 million votes,” ani Seguis.

Sa kasalukuyan, ang Singapore ang may pinakamataas na voter turnout sa 9,149 kasunod ang Hong Kong sa 7,833.

May kabuuang 66,378 o halos 10% na ng overseas voter turnout sa loob ng siyam na araw ng pag-aarangkada ng OAV.

(Bella Gamotea)