Pinanindigan ni dating Senador Richard J. Gordon ang paniniwalang ang pagpapaunlad at pagtatayo pa ng mass railway system ang magpapaunlad sa bansa dahil masosolusyonan nito ang napakatinding traffic na naging pangkaraniwang eksena na sa buhay ng maraming Pinoy, partikular na ng mga taga-Metro Manila.
“Noon pa dapat binuhay ang tren patungong Laguna hanggang sa Bicol upang higit na makagalaw ang taumbayan o kargamento, gaya ng mga raw material, ani, suplay o finished goods. Kaya sa ngayon, nagiging biktima nang matinding trapik ang mga bus o truck kapag lumuluwas na patungong Maynila para madala ang kanilang produkto,” sabi ni Gordon, na muling kumakandidato para senador.
“Itinayo ang ating train system noon, sa loob lamang ng apat na taon, simula nang 1887 hanggang 1891, at nagsimulang gumana nang taon ding iyon. Dating nagsisimula o nagtatapos ang paglalakbay sa Tutuban Central Terminal, na nakararating sa norte hanggang Damortis sa La Union at sa Legazpi City sa Bicol para naman sa South Line. Mayroon din tayong mga tren sa Cebu, Panay at Negros. Subalit nasira ang ating railway system sanhi ng maraming taon ng hindi pagkakaunawaan, kapabayaan at walang ginawang pagpapaunlad,” kuwento ni Gordon. (Beth Camia)