Kalaboso ang kinahinatnan ng isang dating enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos siyang arestuhin habang nagmamando ng trapiko at nanghuhuli ng motorista sa Pasay City, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, ang suspek na si Jimmy Fernandez, 46, residente ng Poultry Compound, Barangay San Dionisio, Sucat, Parañaque.

Ayon sa MMDA, si Fernandez ay idineklara nang AWOL (absent without official leave) nitong nakaraang taon dahil sa hindi pag-report sa kanyang puwesto.

Sinabi ni PO2 Alfredo Aquino na inaresto si Fernandez ng kanyang mga kabaro na sina Traffic Constables Marlon Salvador at Marco Agustin habang nagmamando ng trapiko, suot ang uniporme ng MMDA, sa panulukan ng NAIA at MIA Road sa Pasay City, dakong 9:00 ng umaga nitong Sabado.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

At nang tanungin nina Salvador at Agustin ang kanyang mission at deployment order, walang naipakita ni isang dokumento si Fernandez.

Nabawi ng pulisya kay Fernandez ang dalawang resibo ng Big E Food Corporation na ginamit nitong traffic violation receipts.

Kasalukuyang nakakulong si Fernandez sa Pasay City Police detention center habang nahaharap sa kasong Usurpation of Authority. (Martin A. Sadongdong)