Nasugatan ang isang alkalde ng Lanao del Sur at ang driver nito makaraan silang tambangan at pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental, kahapon ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), nangyari ang insidente dakong 2:00 ng umaga sa Barangay Carmen, sa lungsod.

Sakay si Marawi City Mayor Sultan Fahad Salic sa pulang van na minamaneho ni Cairoden Gunting nang pagbabarilin sila ng mga armadong lalaki na lulan sa puting van.

Sa kasalukuyan, maayos na ang lagay nina Salic at Gunting sa isang ospital sa siyudad, ayon sa tagapagsalita ng alkalde.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Agad namang binuo ng COCPO ang isang Special Investigation Task Group upang matukoy ang motibo at ang suspek sa likod ng pananambang, ayon kay Police Regional Office (PRO)-10 Director, Supt. Surki Serenas.

Napag-alaman na pauwi na sa Marawi ang mayor galing sa isang pulong ng mga kapartido sa Pryce Plaza Hotel nang mangyari ang pananambang.

Si Salic ay kandidato sa pagkagobernador ng Lanao del Sur at dating asawa ng senatorial candidate at dating aktres na si Alma Moreno. (FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)