TALAYAN, Maguindanao – Suportado ng ilang miyembro ng angkan ng mga Ampatuaan ang kandidatura sa pagkapresidente ni Vice President Jejomar Binay.

Dumalo ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan, isa sa pinakamakakapangyarihang angkang pulitikal sa Maguindanao, sa political rally ni Binay dito nitong Martes.

Suportado ng mga Ampatuan ang kandidatura ni Datu Ali Midtimbang, na iprinoklala ni Binay bilang pambato ng United Nationalist Alliance (UNA) sa pagkagobernador ng Maguindanao.

Kabilang sa mga dumalo sa rally upang suportahan si Binay si Sajid Islam Ampatuan, dating bise gobernador ng Maguindanao na kinasuhan bilang isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre o ang pagpatay sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Pansamantalang nakalalaya si Sajid, bunsong anak ni Andal Ampatuan, Sr., matapos magpiyansa ng P11 milyon cash bond noong Marso 2015.

Kandidato ngayon si Sajid para alkalde ng Shariff Aguak.

Suportado rin si Binay nina Mamasapano Mayor Benzar Ampatuan, Maguindanao Assemblyman Khadaffy Ampatuan, Sarip Saidona Mayor Xandria Ampatuan, at Shariff Aguak Vice Mayor Janine Manlapat- Ampatuan. (JOSEPH JUBELAG)