Masusubok ang kakayahan ni WBO No. 1 at IBF No. 12 super lightweight Jason Pagara sa pagtataya ng kanyang world ranking kay one-time world title challenger Miguel Zamudio ng Mexico sa Abril 23, sa Cebu City Sports Complex sa Cebu.
Magsisilbing undercard ang sagupaan nina Pagara at Zamudio sa pagtataya ng titulo ni WBO super bantamweight titlist Nonito Donaire Jr. kay No. 4 contender Zsolt Bedak ng Hungary.
Inaasahang magiging mabigat ang laban ni Pagara dahil kung magwawagi siya kay Zamudio ay puwede na siyang ideklarang mandatory contender kay WBO light welterweight champion Terence Crawford ng United States lalo’t matagal na siyang No. 1 contender o lumaban sa eliminator bout kay No. 2 contender Ruslan Provodnikov ng Russia.
Huling lumaban si Pagara kay one-time world title challenger Santos Benavides ng Nicaragua na kanyang pinabagsak sa unang round ng kanyang unang laban sa United States noong Oktubre 17, 2015 sa StubHub Center, Carson, California.
Beterano naman si Zamudio sa mga laban sa Mexico at United States bagama’t natalo siya sa puntos sa kanyang huling laban kay dating world rated Mexican Rafael Guzman noong nakaraang Pebrero 6 sa Baja California, Mexico.
May kartada si Zamudio na 35-8-1, tampok ang 21 panalo sa TKO, samantalang si Pagara ay may rekord na 37-2-0, kabilang ang 23 via short distance. (Gilbert Espeña)